I
Sa may mahigit, o lampas pa siguro, na sampung taon mula nang lumipat kaming buong pamilya sa Maynila, wala ni sa hinagap ko na makakabalik akong muli sa Valenzuela, ang bayang pinagkanlungan ng halos labindalawang taon ng aking pagkabata.
May isa o isa't kalahating oras na biyahe lang ang pagitan ng bahay namin mula sa Tundo hanggang sa Arkong Bato kung saan nakatira si Tiyo Dan at Lola (kapatid at nanay ni Mama), kaya't kung tutuusi'y wala akong balidong rason kung bakit hindi ko magawang makadalaw nang kahit paminsan-minsan lang. Ilang mga mahahalagang okasyon din iyon na dumaa't lumampas nang wala ni anino ko na nagparamdam sa malaking bahay na iyon na aking kinalakhan.
Siguro nga't dahil doon, kaya't kahit hanggang ngayong lulan na ako ng taksing maghahatid sa akin pabalik riyo'y kinukuwestiyon ko pa rin ang katotohanan ng lahat ng nangyayari ngayon.
At ang katotohanan ng lahat ng mga naganap, ang dahilan kung bakit naririto ako ngayon.
Ang hapis na mukha ni Mama at ng dalawa kong mga kapatid ang siyang nagpatotoo sa lahat.
Babalik na nga kami sa Valenzuela. At sa kabigatan at kalakihan ng mga karay naming bag ay mukhang magiging matagal, kung hindi man permanente, ang muli naming pananatili dito.
* * * * *
II
Kung sa ordinaryong mga pagkakatao'y malamang hindi ko iyon mahahalata, pero ngayo'y ang bawat detalye ng paligid na aming nadadaana'y biglang nagiging kapansin-pansin. Iyon ang aking naging pahinga mula sa pag-iisip at pamumroblema.
Natatawa akong isipin na malabis palang talaga ang sampung taon para baguhin ang isang tao, o ang isang bagay, o ang isang lugar na tulad ng Arkong Bato.
Nakatatawang nakalulungkot.
Ang dating mababang matabang lupa na siyang pangunahing daanan patungo sa aming eskinita'y nakapaninibago ang itinaas dala ng maraming beses ng pagtapal at pagdagdag ng semento, marahil ay isang proyektong pambarangay para solusyonan ang problema ng Valenzuela sa baha. May mga naiwan pa rin namang mga bahaging lupa sa magkabilang gilid ng kalsada na siyang natatamnan pa rin ng mga puno ng niyog na sa palagay ko'y may apat hanggang limang dipang layo sa bawat isa. Iyon pa rin naman siguro ang mga punong naiwan ko noon.
Natatandaan ko rin ang rebultong iyon na nasa bukana na siyang palatandaan ng aming kanto. Naaalala ko ang bawat pagpunta riyon upang maghintay ng jeep papasok sa eskuwelahan. Ang dating mataas na monumento na ngayo'y halatadong bagong kulapol ng mumurahing pintura'y iilang metro na lamang siguro ang itinangkad sa akin dala ng pag-angat ng kalsada (maliban pa siguro sa paglaki ko rin).
Maraming mga pagbabagong paisa-isang sumambulat sa aking paningin, ang mga bagong kabahayan, bagong establisyimento.
Naghahanap ako sa aking loob ng kahit na anong damdamin ng pagkatuwa't pananabik para sa aking pagbabalik. Pero walang akong madamang kahit na anong malapit sa mga iyon.
Pamilyar ang lugar, ngunit estranghero na ito para sa akin.
Nakatatawa.
* * * * *
III
Pinahinto na namin ang taksi sa dulo ng maliit ng eskinita, sa tapat ng gate ng aming lumang bahay. Mula roo'y naging mahirap na para sa aming magkakapatid at kay Mama na hakutin mula sa likod ng sasakyan ang mga iilan pa lamang sa lahat ng aming mga gamit na nagawa naming bitbitin mula sa Tundo nang dahil sa pagmamadali. Ni hindi na rin namin nagawang linisin ang mga bag at mga kahong nanlilimahid pa sa alabok at sapot bago kami lumayas.
Hindi na namin nagawang pansinin ang pag-alis ng taksi. Nanatili kaming nakatayo sa labas ng aming bahay at matamang nakamasid lamang riyon.
Malaking pasasalamat ko lamang talaga't sa kalagitnaan na ng gabi namin nagawang bumiyahe. Wala na akong nakikitaang mga karatig-bahay na may nakasindi pang mga ilaw, maging ang malaking bahay naming iyon. Dahil, at inaamin ko ito ngayon, kilala ang aming buong kapit-bahayan sa pagiging mapang-usisa't mapagkuwento. At sigurado akong ang itsura namin ngayo'y hindi makaliligtas sa mga mga mata ng iba. Kung gising lamang sila.
Saka ko na lamang naisip na kailangan naming kumatok at sumigaw nang malakas para gisingin si Tiyo Dan upang pagbuksan kami ng pinto. Tahimik na lamang akong humiling sa langit na sana, sana lang talaga, ay mabilis lang naming magising si Tiyo Dan bago pa namin mahuli ang atensyon ng iba.
"Kuya!" hiyaw ni Mama kasabay ng tatlong malalakas na katok nito sa pinto, "Kuya Dan!"
Isa pang malaking pasasalamat ko nang sumindi ang ilaw kasabay ng pagbukas ng pinto.
* * * * *
No comments:
Post a Comment